Talent Portion


Kung nadadaan lang sa talent portion ang pag-ibig, napanalunan na sana kita.

Simplehan ko muna, isa o dalawang kanta sa videoke. Walang hugot, puro positive vibes na magha-highlight ng aking vocal range at wide repertoire. Chill lang ba. Pero mapapatingin ka at mapapasabing, “Sino yun? Ganda ng boses a.” Simula pa lang yan.

Nung bata ako, matindi ako sa Hula Hoop, pero di ko na kaya ngayon eh. Sayang, liit ng bewang ko nun. So erase, erase. Hindi ako lalaban sa siguradong ikatatalo ko.

Ganto na lang, para mukhang official, invite kita sa event na ako ang: 1) nag-organize, and/or 2) nag-emcee. Ibang level ako mag-events organizer, parang orchestra yan pag nag-conduct ako on the actual day. Bilang emcee naman dumaan na ako mula sa barangay hall hanggang sa hotel grand ballroom, at kaya ko magdala ng Class A to D na audience.

Pwede mo rin ako i-add sa Instagram kung saan ang aking attempts na maging photog at foodie ay (FAIL) nakaka-garner ng ilang hearts. Pinupusuan ng friends ko ba. Influencer din ako ng mga sampung tao, huwag ismolin.

Kaya kitang sulatan ng love letters everyday. Bukod sa (ahem) maganda raw ang handwriting ko, e core gift ko ang pagsusulat feeling ko. Poetry o prose. English o Taglish. Hmm core gift agad agad? May iba pa akong alas. You ain’t seen nothin’ yet.

Kaya ko rin magluto, meron akong signature dishes na nire-request ng mga tao. Totoo bang the way to a man’s heart is through his stomach? Parang nag-bake na ako noong araw, hindi tumalab. Wala kasi akong access sa gayuma. Padalhan kaya kita ng food minsan, baka isipin mo Fatal Attraction na ito. Wala ka namang pet rabbit diba.

Pwede ako mag-train ng choir na ala-Madrigals o Bukas Palad o Hangad, kakantahan ka ng favorite songs mo in 4 voices. Grade school pa lang ako ilang songfest, choralfest, carolfest, at caroling na ang binuo ko. Hanggang nagtatrabaho na ako, nagtuturo pa rin ako ng wedding choir ng barkada. (Let’s not go to weddings, nagawa ko na kasi lahat ng parts except ninong, pari, ring bearer, groom, at  bride!) Madaan ka kaya dito? Sa Valentine’s Day padalhan kita ng singing telegram? Baduy? Bihira kaya ang personally arranged choir na may dalang freshly-baked brownies.

Pag pumayag ka, attempt ko rin to go dancing with you. Next level na ‘toh. Kaso nahihirapan ako sa ballroom dancing, hindi raw ako marunong sumunod. So hanggang ’80s dance moves lang ako at konting hiphop on the dancefloor. Baka hindi mo sila kilala, pero ako ang tinatawag na other half ng Aldeguer Sisters noon. Panoorin mo kaya ako, or sabayan?

Kanta na lang ulit, pag nakainom na. Medyo mas tumataas ang abot ko pag naka-brandy na. Kaso in vino, veritas. Baka makantahan kita from the heart. Mahalata mong crush kita. Nakakahiya yata.

Punta na lang tayo sa Piano Bar. Tutugtugan kita. Kaso, limited ako to classical music talaga, at yun lang mga inaral ko hangggang college na piyesa… May pa-ilan ilang pop songs ako pero IntroGirl ang peg. Malamang makatulog ka, unless by some miracle, you appreciate Beethoven and Mozart, in which case, tama ako na hindi tayo hayop, hindi tayo tao, alam mo kung ano tayo? BAGAY TAYO.

Oh em gee kung sa ilang ulit nating pagde-date hindi ka pa na-charm sa aking wit, ewan ko na lang. Tawang tawa nga ako sa sarili ko minsan eh.

Pwede rin combination pala. Kantahan kita habang nagpa-piano (may 3 akong alam na kanta na kaya kong tugtugin kasabay, kaya wag ka nang mag-request). Pwede akong sumulat ng kanta gamit ang aking so-called wit, or article, essay, kahit research paper. Pampahila ko ng grade nung estudyante ako ang pagsusulat. Ito na ang magdadala sa akin sa tagumpay.

Ay bago ko makalimutan, meron akong pinaka secret at hidden talent, na feeling ko rare. Ito ay ang maging Best Friend ng Crush Ko, na offshoot ng talent ko of making great friends. Parang kahit anong pagpapa-cute or damoves gawin ko, pag nakasama or nakausap na ako madalas ni Crush, may nababasa sigurong invisible sign sa forehead ko na nagsasabing “Huwag Ako”, or, sa takot ko sa commitment, rejection, at failure, masyado akong pa-safe na ang dating tuloy hindi ako romantically interested at all.

Kahit na ako na ang posibleng most passionate creature on earth. Yan ang dichotomy ng buhay ko. Mas mahal ko, mas  bine-best friend ako. Yung isa tumagal ng ilang dekada (maaga ako nagsimula).

Pero balita ko naman, may iba kang gusto. Na kahit anong gawin ko, kahit kumanta ako ng Rewrite the Stars habang nag-Cirque de Soleil mala-Zendaya, mag-perfect ng breast stroke in a slimming swimsuit, manalo ulit ng journalism contest, makapagpasaya ng maraming bahay pag caroling time sa Pasko, hindi ka pa rin titingin sa akin.

Dami kong alam ‘no? Yan natutunan ko e. Hindi nakakain ang talent. Hindi rin ito nagagamit para maging crush ka ng crush mo, o mahalin ka ng mahal mo.

Sana pasayahin ako ng talents ko pag naalala ko yung katotohanan, na hindi tayo. Never magiging tayo. Sana matawa na lang ako ng sarili kong wit, maaliw sa sarili kong kanta, mapagod sa sarili kong sayaw, mabusog sa sarili kong luto.

Sana wag ko nang lokohin ang sarili ko. Buti na lang marami akong friends at best friends na nasasalo ako tuwing may ganto.

Tuwing talo ako.

 

Leave a comment