Ang Araw ng Kasal (Housewife Series, Part 3)


Basahin muna po ang unang dalawang kabanata sa pamamagitan ng “Maikling Kwento” link sa itaas. – E.

III.  Ang Araw ng Kasal

Dumating na ang araw ng kasal, ang pinakahihintay na okasyon ng ating magsing-irog.

Hindi nga pala sina Sheryl at Julius ang ikakasal, kundi ang kabarkada ni Julius na si Raymond at ang soon-to-be ex-girlfriend nitong si Janine. Bisita lamang sila rito, pero sa level ng excitement at preparation, akala mo silang dalawa ang mga bida sa okasyon.

Si Sheryl. Nagpapasalalamat siya at fashion designer ang kaibigan niyang si Francine, dahil formal ang attire sabi sa imbitasyon na nahalungkat din sa wakas ni Julius sa trunk ng kotse niya, matapos siyang kulitin ni Sheryl. Nai-design siya ng simpleng gown at ipina-paspas ito ni Francine sa kanyang mga mananahi sa loob lamang ng ilang araw. Tinulungan din siya ni Francine na pumili ng sapatos na bagay sa kulay at tela ng gown, at pinahiram sya ng beaded evening purse.

Pero hindi siya nakalusot sa inquisition ng kaibigan nung una siyang lumapit dito. “Uhmmm… nung isang linggo lang, ngawa ka nang ngawa tungkol sa Julius na iyan. Ngayon, kandarapa kang magpagawa ng gown at sasama ka pa sa Tagaytay. Hunghang ka na ‘day?

Fran, ewan ko ba. Para akong mababaliw nung time na hindi siya tumatawag. I felt I didn’t deserve the treatment I got from him. Andun lahat ng hinahanap ko sa first date eh: magic, connection. Nung naputol iyon, nothing made sense to me. Tapos, nung tumawag na siya, okay na ulit ang mundo ko. Parang pati boses namin sa telepono, perfect fit. Bagay!  Rough kasi boses niya, tapos malambing boses ko. Kahit gusto kong magsungit, hindi kaya.

Tumaas ang kilay ni Francine, sabay sabi habang sinusukatan ng hem length ang kaibigan, “Ikaw, malambing boses sa telepono? Sabi ko na nga ba, maglaladlad ka rin pagdating ng tamang lalaki eh. Matipuno siguro si Julius kaya naalala mong babae ka pala.

Alam ni Sheryl na nagbibiro lang si Francine, kasi siya ang pinakakikay sa kanilang magkakaibigan. Lagi lang siyang alaskado na baka hindi interesado sa lalaki dahil matagal na simula nung makipag-break siya sa long term boyfriend at first love niya.

Nag-ring ang cellphone ni Francine. “Hello? Ano, nahanap mo yung tela sa suki ko? …. Ano ba naman yan, Mahal?!! Paano mo mawawala ang listahan? Sabi ko na kasing ite-text ko na lang eh. Nagmamadali tayo kasi may hinahabol akong order tapos sumingit pa itong si Cinderella na mag-aattend ng magic ball sa Tagaytay!

Pumutak pa nang pumutak si Francine sa asawa nyang si Pedrong nasa telepono. Businessman si Pedro, at certified na under kay Francine, kaya ito ang nauutusan sa mga rush order sa Divisoria, at napapagalitan pa dahil sa sampung utos sa kanya, laging may nahahanap na mali ang asawa.

Pagbaba ni Francine ng telepono, pumuna si Sheryl, “Ikaw lang ang nakakabanggit ng salitang ‘Mahal’ na punung-puno ng poot. Mabuti nga sunud-sunuran sa iyo si Pedro e, samantalang marami siyang tauhan. Kailangan ba galit ka lagi, o lambingan niyo ‘yan?”

Ganun talaga dapat, to keep them in line. Husbands should know you’re the boss. Pag nalaman niyang gagang-gaga pa rin ako sa kanya katulad nung mag-boyfriend pa lang kami, baka mabawasan ang powers ko.

Kawawang Pedro. Pinakasalan si Dr. Jekyll, nakuha si Mrs. Hyde,” biro ni Sheryl, na hindi makita ang sariling nagsisisigaw kay Julius. Marahil, maaga pa masyado sa kanilang relasyon, kaya pa-sweet effect pa siya. Natural lang kasi na kapag kausap o kasama niya si Julius, nagiging mas pino ang kilos niya. Tumataas ang pitch ng boses, pero hindi pasigaw. Palaging nakangiti. Ayan, napangiti na siya naalala lang niya si  Julius.

“Pumili ka, do you want to be generous in front, or at the back, or both?” Nabalik sa kasalukuyan si Sheryl, at nag-wish na hindi nakita ni Francine ang ngiting-daydream niya.

Anong ibig mong sabihin?”

Low neckline, backless, or both? Iyong gown mo, Cinderella. Ako ang iyong fairy godmother. Nasa sa aking powers kung gaano ka magiging ka-generous sa date mo. If I were you, I’d show more skin. Tiisin mo ang ginaw. Gagawan kita ng shawl.”

“Kunsintidora ka rin ano?” ngiting may pasasalamat ang naisagot ni Sheryl. “I want to look my best. Pag halter, diba naha-highlight ang aking nice shoulders? Pero ikaw na bahala. I trust your expertise!” At binigyan ni Sheryl ng mahigpit na hugggg si Francine. Alam niyang maganda ang kalalabasan ng gown niya. Maraming boutiques ang sinu-supply-an ni Francine. Hindi pa lang siya nagbubukas ng sariling shop gamit ang kanyang pangalan dahil iniipon pa niya ang capital.

“Fairy godmother lang ako ha, pero hindi mo ako kukuning ninang sa kasal. Ay ano ba, pag nalaman ni Georgia na ako ang kakuntsaba mo sa kalokohang ito, hindi na ako papadalhan nun ng mga pinaglumaan niyang fashion magazines galing Singapore.

Fran-fran my fairy godmother, I owe you big time. Flower girl na lang si Anna ha!” Nagtawanan ang magkaibigan. Ganun talaga ang mga babae, ang hilig magplano ng wedding day nila. Lahat ng details naiisip na, kahit wala pang groom. O kahit may potential groom na, pero wala pang naiisip ang pobreng lalaki na mga ganoong bagay.

Pagkagaling kay Francine, pumunta si Sheryl sa counter ng MAC sa mall at nagpa-trial makeup, atsaka bumili ng ilang basics na matagal na niyang gusto ngunit hindi niya binibili dahil mahal. Pinakamahirap kayang gawin ang nude makeup – yung hindi halata – at kailangan niya ng tamang brushes at maraming practice. Buti at magagaling ang mga makeup tutorials sa YouTube. Inilabas niya rin ang bihirang gamiting hair curler at straightener. Production number talaga pag uma-attend ng wedding ang mga babae. Added pressure pa na gusto ni Sheryl maganda ang first impression sa kanya ng mga kaibigan ni Julius.

Nung araw ng kasal, isang Sabado ng Pebrero, alas-sais pa lang ng umaga, gising na si Sheryl at nag-aayos na.

Si Julius. Nagpa-dry clean siya ng suit. Iyon na ang extent ng preparasyon niya para sa actual wedding. Pero marami rin siyang ibang inihanda, kasi mahaba-habang drive mula Novaliches, sa bahay ni Sheryl, hanggang Don Bosco Batulao. Kailangang i-set niyang mabuti ang ambience. Hindi na uso ang mix tape, na ginagamit ng mga pinsan niya noong nanliligaw sila dati. Playlist na ang uso ngayon, at gumawa si Julius ng para sa mahalagang lakad na ito. Ang title, “Kanta at Gitara.” Pinili niya ang mga kantang makikilala ni Sheryl at matutugtog niya. Siyempre, OPM.

Ang Playlist.

Ewan, Apo Hiking Society, pero yung version ni Sharon Cuneta (O ha! Matutuwa si Sheryl dito, naisip niya.)

I Think I’m In Love, Kuh Ledesma, na kinanta rin ni Odette Quesada, yung nag-compose nito.

Each Day With You, Martin Nievera,

Hang On, Gary Valenciano,

I Need You Back, Raymond Lauchengco.

Meron din siyang mga fast numbers na sobrang flashback sa ’80s, na iniisip pa lang niya, natatawa na sya:

Urong-sulong, Regine Velasquez,

Please Don’t Throw My Love Away, Martin Nievera,

Mambobola, Zsa Zsa Padilla,

Babaero, Randy Santiago,

Mr. DJ, Sharon Cuneta,

at ang theme song ng paborito niyang “Ninja Kids” na pelikula, “You’ve Got the Power!’ na kinanta nina Gino Padilla, Randy Santiago, at Juan Miguel Salvador. Wala lang, parang gusto lang niyang i-share kay Sheryl anong mga hilig niya nung bata pa siya.

Eto naman ang mga clincher na kanta, pag may silent moment sa kotse o di kaya kailangan lang niya ng closer:

Kahit Na,” Zsa Zsa Padilla,

“Ipagpatawad Mo,” VST & Co. featuring Vic Sotto,

“Sana ay Ikaw na Nga,” Basil Valdez,

Ikaw ang Aking Mahal,” VST & Co.  (Pag hindi pa naman sila nagkaigihan ni Sheryl sa biyahe nito, naisip ni Julius. Excited siyang patugtugin ang mga ito at makita ang galak sa mga mata ni Sheryl. Lilingon siya kahit nagmamaneho.)

Pumili siya ng pabango, yung Davidoff Adventure na regalo ng dalawa niyang kapatid na babae noong Pasko, para daw amoy-pogi ang kuya nila. Nag-ahit pogi rin siya. Bihis na siya matapos ang ilang minuto.

Samantalang sa Novaliches, tanghali na, hindi pa tapos mag-ayos si Sheryl. Nagtext na si Julius na malapit na siya.

Mommmm!” sigaw ni Sheryl sa labas ng kwarto, humihingi ng saklolo sa kanyang ina.

Ang ganda naman ng anak ko. Bagay yung hikaw na bigay ng daddy mo sa iyo. Dapat lagi kang mag-dangling!

Mom, I’m running late. Pagdating ni Julius, could you entertain him for a few minutes? Please? Finishing touches na lang ako.”

Aba anak, hindi mo pa siya pinapakilala sa amin ng Daddy mo, tapos ako na agad ang haharap?

Kaya mo yan, Mom, kahit huwag muna si Daddy, ako na’ng bahalang mag-introduce sa kanya. Paupuin niyo lang, alukin ng juice… please Mom?” Tumatalon sa isang paa sa buong kwarto niya si Sheryl, naghahanap ng isang sapatos, pinipili ang gamit na magkakasya sa pagkaliit-liit na purse na pinahiram ni Fran. Kanina pa nagte-text sina Pauline at Fran, hindi niya muna sinasagot ang pangangamusta nila dahil busy siyang magpaganda.

Nag-doorbell na si Julius. May hawak na isang bungkos na tulips. Gusto sana niya roses pero sa isang linggo na lang, malapit na ang Valentine’s Day. At nagmamahal na rin ang mga bulaklak! Natigil ang pag-iisip niya kung saan siya o-order ng roses nang bumukas ang pinto.

Magandang tanghali po, Mrs. Zabala. Ako po si  Julius.”  Gusto sana niyang tawaging Tita ang mommy  ni Sheryl, pero ang chummy naman kaagad.

Are these for me?” biro ni Mrs. Zabala, at nung nakitang nagulat si Julius, sabay bawi, “Ikaw naman, hijo, pinapatawa lang kita! Na-tense ka kaagad!”

“Hahaha! Sa susunod po dadalhan ko rin kayo! Pasensiya na po sa reaction ko, kala ko seryoso kayo eh. Sa inyo pala nakuha ni Sheryl ang charm niya.

Tuloy ka, Julius. Maupo ka muna. Ikaw na ang mag-abot nito kay Sher.” May hitsura nga, naisip ng ina. Sana mabait ka. Huwag kang magkamaling saktan ang bunso namin at lagot ka sa apat na anak naming lalaki, ang sabi ni Mommy sa loob-loob niya. Darating ang mga iyon galing sa apat na sulok ng mundo para sa baby sister nila. Pero nakangiti lang siya kay Julius, na tumitingin-tingin sa mga paintings na nakasabit sa walls.

Gusto mo ng juice? Tubig?”

Hindi na po, Tita. Salamat po.” Hala, lumabas agad ang Tita?  At least hindi “Mommy” ang naitawag niya.

Napangiti si Tita/Mommy. Magalang na bata.

Lalabas na si Sheryl. Sandali na lang daw.”

“Tina, nabuksan mo ang pinto? Nasaan na ang anak nating a-attend ng J-S Prom?” ang daddy ni Sheryl ang lumabas. Nanlaki ang mata ni Mommy Tina. Napatayo si Julius. Hindi niya masyadong napag-planuhan ang meet-the-parents moment. Mabuti na lang nag-ahit siya.

Ikaw talaga, dad. Hindi na high school ang bunso mo! Heto ang kaibigan niya, si Julius.

Good morning po,” sabi ni Julius, sabay abot ng kamay niya. Give a firm handshake, ang diin niya sa sarili, at tiningnan niya sa mata ang daddy ni Sheryl. Mas matangkad siya rito pero bakit parang siya ang nanliliit? Nakakabasa ba ng utak ang mga neurosurgeons? Gusto na niyang humingi ng tubig.

Good morning, Julius,” sagot ng daddy ni Sheryl. Hindi ito ngumingiti. Sumenyas lang na maupo ulit si Julius. Naupo si Julius. Straight back, parang gusto niyang sabihing boy scout siya noong elementary. Ewan niya kung may bearing iyon sa first impression ng daddy ni Sheryl. Si Dr. Zabala ay hindi niya matatawag na Tito.

Emergency, emergency, naisip ni Mommy Tina. Inutusan niya si Juana, ang katulong nila, para katukin na si Sheryl. Marami nang manliligaw si Sheryl ang hindi bumalik matapos ng sandaling makausap ang daddy niya. Gustong bigyan ng fair chance ni Mommy Tina si Julius para kay Sheryl, dahil sinabi ng anak niya,

“Mom, I really like him. Please help me make dad like him, too.”

Hi, everyone,” sabi ni Sheryl. Napanganga silang tatlo: si Daddy, na nagpigil ng luha sa ganda ng prinsesa niya; si Mommy Tina, na gustong kumuha ng camera kahit hindi na ito J-S Prom; at si Julius, na hindi makahinga at hindi makapaniwala sa napakagandang vision na nasa harap niya.

Hello, may nagdaang anghel?” tanong ni Sheryl, pero flattered siya sa mga stunned expressions ng kanyang intended audience. “Dad, I see you’ve met my friend Julius. Be nice to him ha.

Hindi ka ba giginawin sa suot mo, anak?” ang unang bumulalas sa bibig ni Dr. Zabala.

Daddy, si Francine ang designer ko. She made me a special shawl pag humangin na sa Tagaytay. Don’t worry!

O, baka ma-traffic na kayong dalawa. Hihintayin na lang namin ang pictures niyo sa Facebook mamaya,” tulak ni Mommy Tina, para hindi na magtagal ang paghihirap ng kalooban ni Julius sa combined powers ng mag-ama.

Uhh, Sheryl, these are for you,” hindi malaman ni Julius kung paano iaabot ang bouquet. Parang matutunaw kasi siya sa tingin ni Dr. Zabala, at pakiramdam niya masamang magbigay ng bulaklak sa anak nito.

Oh, these tulips are perfect! Thanks! Hmm, ilalagay ko ba rito sa vase o dadalhin ko?

Dalhin mo na, para ma-enjoy mo. Malamig naman doon so hindi agad malalanta ‘yan,” inakbayan na ni Mommy Tina si Sheryl at sabay bulong, “Lakad na, ako’ng bahala sa daddy mo. Ganyan lang talaga yan ka-protective.

Nagpaalam na sila sa mga magulang ni Sheryl. Sa wakas ay nakalabas din sila ng bahay. Tawa nang tawa si Sheryl.

What’s so funny?” Tanong ni Julius habang inaalalayan siyang sumakay sa passenger side. Pag-upo niya sa driver’s seat, tumatawa pa rin si Sheryl.

You should have seen your face,” sabi nito. “I wanted to be the one to introduce you to my dad, kaso lumabas siya agad, e. Hindi namin na-timing-an ni Mommy. Was he nice to you? Mukha ka kasing kinagat ng langgam na pula sa paa, e.

Your dad, he has a presence,” yun lang ang nasabi niya. Hindi naman Darth Vader-ish, pero intimidating talaga. Makapal kasi ang kilay nito, na grayish na.

You should do well to remember, Julius Gomez, that there are currently five other men in my life. One dad and four older brothers. So kung may balak kang lokohin ako, ingat ka lang dahil mild pa ang nangyari kay Vhong Navarro sa kalalabasan mo.” Nasabi ni Sheryl ang threat, na hindi veiled, habang malambing pa rin ang boses niya. Pasalamat si Julius at hindi siya nagsumbong noong hindi siya nito agad tinawagan. Kasi, alam niyang pagtatawanan lang siya ng mga kuya niya noon dahil first date pa lang. Pero ngayon, gumawa lang ng false move si Julius, isang barangay kaagad ang magtatanggol kay Sheryl. Marami kayang friends ang brothers niya.

Napangiwi si Julius. Hindi masaya ang picture na ibinigay ni Sheryl. Moment ito para maiba ang mood, salamat sa kanyang baong playlist.

“I will remember that. Wala naman akong balak lokohin ka, e.” Sabi niya. Wala talaga. Napindot niya ang controls ng iPod niya at tumunog ang boses ni Randy Santiago.

Alam kaagad ni Sheryl ang kanta. Pagdating sa chorus, napabungisngis siya. Nag-duet pa sila ni Julius:

BABABAERO, BABABAERO
BABABAERO DAW AKO
Sino’ng may sabi, makakating labi
‘Di-di-di-di naman totoo
Puro’t imbento, sari saring kwento
Basta’t sayo lang ako!

Whew. Ayan napatawa kita. Pwede na yung next level ng music sa playlist ko.

Aba, may playlist, naisip ni Sheryl. Nagplano ang loko. Ano kaya ang magiging theme song ng araw na iyon?

Ipagpatawad mo, aking kapangahasan

Binibini ko, sana’y maintindihan

Alam kong kailan lang tayo nagkatagpo

Ngunit parang sa’yo ayaw nang lumayo

Ipagpatawad mo, ako ma’y naguguluhan.

Hindi agad kumibo si Sheryl. Nag-panic nang slight si Julius. Too much ba ang kanta? Ang hindi niya alam, nakikinig ito sa kanyang inner Georgia:

Kanta lang iyan, Sheryl. Huwag mong dibdibin. Bawal masyadong kiligin.

Tumingin siya kay Julius at ngumiti. “So review nga ulit, sinu-sino ang mga kabarkada mo, mga respective na asawa nila, at mga anak?” Hindi niya inamin na na-print na niya ang email ni Julius tungkol sa topic na ito, at na-match na niya ang mga pangalan sa mga mukha nila. Kailangan lang ni Sheryl ng ibang topic, yung magbababa sa kanya ulit sa lupa.

Sinagot naman ito ni Julius, at inisa-isa ang mga pangalan. “Sher, they’ve been prepped well. Si Alex nag-email agad sa barkada at kung anu-ano na ang sinabi. You can imagine, kaya nung mag-exaggerate kung gusto niya.

So, did he exaggerate when he described my looks?”  Hindi naman siya masyadong fishing. Konti lang.

Oops. Hindi iyon ang ibig sabihin ni Julius. “No, no. He described you accurately – na mas maganda pa sa lahat ng ex-girlfriends ko combined.

Ex-girlfriends??? Naka-ilan ka na ba?” Nairita si Sheryl. Hindi pa nila pinag-uusapan ang mga pasts nila. Ngayon ba ang tamang panahon para sa topic na ito? Yung naka-gown pa siya and everything?

Bakit ba lahat ng hirit ni Julius mali?! Parang hindi going according to plan ang drive nila. Kailangan ulit ng mood music.  Pinakanta niya si Martin.

Flowers for you on this lovely evening

Though they have no words they share my feelings;

As we walk along the avenue,
Pardon me, I just can’t help staring at you. 

When I look into those sparkling eyes,

I float in the air and wonder in paradise;
You give my heart a source of inspiration,
Your beauty is beyond imagination.

Hininaan niya ng konti ang music, sabay hirit ng, “Hindi ko na maalala kung ilan e. Wala pa talagang significant. Until now.

Boom.

E di natameme si Sheryl.  Julius chose his battle well, and won.

“So ano na lang mga sinabi ni Alex sa barkada mo about me?

Bukod sa maganda ka, matalino, charming, at lahat na, na alagaan ka raw nila, at pakitaan nang mabuti, para maisip mong may mga kaibigan akong matitino’t nakapagtiis sa akin nang ilang taon, at marunong ako ng totoong commitment, hindi pa lang halata. Actually, joint email nila ni Joanne yun,” sagot ni Julius.

Na-meet na ni Sheryl si Joanne sa office Christmas party. Mabuti na lang at may kakilala siya sa pupuntahang kasalan kaya nabawasan ang pressure. At mukhang hinanda na rin ng mag-asawa ang mga kabarkada para sa warm welcome niya. Napangiti na si Sheryl.

You’ll like them. And they’ll love you. I’m sure of it,” sabay hawak sa kamay ni Sheryl. Binigyan niya ito ng reassuring squeeze.

“You look beautiful, Sheryl. Baka ilang beses kong sabihin sa iyo ngayon ‘yan. I mean,” dinagdagan niya bago pa ma-misinterpret ang sinabi niya, “I’ve always found you beautiful, but today you took my breath away. Kaya siguro ayaw kang pakawalan ng tatay mo at pasamahin sa akin.

Good boy, naisip ni Sheryl. Natututo na ring sumagot ang Julius. At effective ang barely-there makeup niya na inabot ng isang oras.

“Thanks, Julius. You don’t look too bad yourself,” ang comeback ni Sheryl. Naisip niya na he smells nice too pero nag-withhold naman siya ng compliment. Kanya na lang yun. Huwag daw ibigay ang lahat sa lalaki, bilin ng mommy niya. Sa compliments, sa lahat. Baka mas malalim pa ang kahulugan ni Mommy, a.

Salamat. Ang tagal kong nagpa-parlor kaninang umaga para ma-achieve ang look na ‘yan,sabi ni Julius sabay tawa. Nag-boses bading ito pero hindi bagay.

Ayaw umamin ni Sheryl kung gaano siya katagal nag-ayos nung umagang iyon. Masyadong na kasing nag-ca-cartwheels ang puso niya.

“Stop over tayo sa gas station paglampas ng C-5,”  sabi ni Julius, na hindi pa rin inaalis ang kamay niya.

May authority. Hindi nagtatanong. Take-charge kinda guy. I like, naisip na naman ng inner Sheryl ni Sheryl.

Ang kahabaan ng biyahe ay naging memorable dahil sa mga baong OPM ni Julius, sa malamig na tinig ni Sheryl, at sa anticipation sa first wedding na official launching ng love team nila.

(Ano, bitin na naman? Abangan na lamang ang susunod na kabanata. – E.)

Leave a comment