Pang-housewife Ako e, Bakit ba?


Part One ito ng nadagdagan ng kwento, matapos magreklamo ang mga nabiting mambabasa. Pakibasa ang updates sa link na Kwentong Housewife (Daw). –  Maraming salamat! E.

 

Gusto kong maging housewife,” sabi ni Sheryl. Muntik nang mabilaukan si Julius.  Hindi lang niya pinahalata. Pinatuloy niya ang pag-nguya sa Wagyu steak na in-order niya para ma-impress si Sheryl. Kaklase naman niya ang may-ari ng restawran kaya medyo may discount siya rito.

First date pa lang nila at todo pa ang pagpapapogi ni Julius. Ang sabi kasi ng common friend nilang nag-setup ng blind date, sosyal daw si Sheryl. At matalino. At maganda. “E bakit single pa?” tanong ni Julius sa kaibigan niyang si Alex noong pinaplano pa lang ang date. “Suplada ano?” dagdag pa niya. Medyo matagal bago sumagot ang Alex. “Hindi naman sa suplada…. Ano, mapili lang,” ang sagot nito sabay pakita sa kanya ng picture.

Hindi maikakailang maganda siya sa picture, pero naisip ni Julius, baka angle lang iyon. Hindi rin kapayatan, pero maganda na rin ang katawan, at least sa picture. Magaling ang kumuha, o alam lang ng babaeng ito kung paano i-highlight ang profile niya sa camera. Mahirap maniwala agad basta-basta sa picture lang sa panahon ngayon. Kailangan i-assess nang malapitan, yung walang filter o Photoshop na nakialam.

Nakuuu, pinapahamak mo ba ako?” urirat ni Julius sa kababata niyang officemate naman ni Sheryl.  “Maniwala ka sa akin, p’re, bagay kayo. Sa tingin ko, papasa ka sa standards nito,” tiniyak ni Alex. “Ikaw yata ang pinakagwapong electrical engineer sa Meralco,” sabi pa nito sabay inom ng malamig na Pale Pilsen na kinuha niya sa pridyider sa condo ni Julius.  Iniidolo ni Alex si Julius dahil hindi ito nakatapos ng pag-aaral. Maagang nag-asawa si Alex, nakabuntis kasi ng minamahal niyang girlfriend, at napilitang bumuhay ng pamilya kaagad, at sa sales siya napunta.

Si Julius naman, dahil may angking talino, katulad ng karamihan sa mga panganay sa mga lower middle class na Pilipino, ay nagsikhay para tumulong sa pagpapaaral ng lima niyang kapatid. Kaya naman lampas treinta na ay hindi pa rin siya lumalagay sa tahimik. Kinukulit na siya ngayon ng kanyang mga magulang, kapatid, at pamangkin upang mag-asawa. At si Alex, buong buhay nila ay naghahanap ng makakapareha ni Julius. Sa dami ng dine-date nito, walang tumatagal na girlfriend. Alam ni Alex kung sino ang dahilan – si Julius din naman. Tapos na ang mga responsibilidad nito at malamang, ang nananaig, ay ang takot sa commitment at buhay may-asawa, dahil sa mga nakikita niyang pinagdaaanang hirap nina Alex at iba pa nilang kabarkada.

Ito na nga ba ang babaeng katapat niya?  Marketing manager si Sheryl sa isa sa pinakamalalaking multinational corporations sa bansa. Mga limang brand na ang hawak niya sa ngayon. Dahil sa sipag at tiyaga sa pagtatrabaho, hindi masyadong naasikaso ang lovelife. Mas hilig niya pa raw ang mag-tour sa iba’t ibang bansa kasama ang mga kaibigan, ayon sa press release ni Sheryl. Ang totoo ay hindi lang siya basta-basta nagkakagusto sa lalaki. May listahan siya talaga at ayaw niyang bawasan ang mga katangiang hinahanap niya. Kahit nagsipag-asawa na ang halos lahat ng mga kaibigan niya at ninang na siya ng mga anak nila, sikat na si Sheryl sa pagiging mapili niya.

O, bakit parang hindi ka naniniwala?” nakangiting tanong ni Sheryl habang kumakain ng Caesar’s salad. Iyon lang ang in-order niya at parang walang ganang kumain, pansin ni Julius.  Hindi alam ni Julius, kasama ang linyang ito sa test ni Sheryl sa mga dine-date niya. Depende kung paano silang mag-react sa kanyang pangarap, oo, tunay na pangarap niya ito, na maging ganap na maybahay, ay nakikita niya kung bagay sila o kung gugustuhin pa niya ng pangalawang date.

Ha, ano, hindi. Iniisip ko parang sayang naman ang talino mo at ang career mo kung magiging housewife ka lang,” sagot agad ni Julius. Paano ba niya maipaliliwanag ang pagkagulat niya? Hindi niya maubos-maisip kung paanong si Sheryl, na naka-branded malamang mula ulo hanggang paa, na amoy French perfume (hula lang naman niya na French, ang bango kasi) at naka-manicure ang kamay (pati siguro sa paa, pedicure yata ang tawag doon, sabi ng mga kapatid niyang babae), na nangingislap ang alahas, na maganda ang makeup, kung paano ito mabubuhay bilang isang plain housewife. Parang kailangan bilyonaryong may-ari ng TV station ang asawa nito para mapasaya siya. Hindi niya sinabi lahat itong naisip niya dahil baka mag-walkout ang kausap niya. Tinanong na lang ulit niya si Sheryl, “Ayaw mo ba talaga ng pasta man lang? Baka hindi ka mabusog sa salad!”

Natawa na lang si Sheryl. Ano baaa? Naisip niya. Ang hirap naman amining hindi sya makakain pag nasa date, lalo na kapag guwapo ang ka-date niya at mahusay manamit.  Naalala niya noong may boyfriend pa siya noong college, ang payat-payat niya at ang sabi, para raw siyang ibon kung kumain. Wala lang talaga siyang gana kumain pag in-love.  Pero hindi pa siya in-lab kay Julius. Hinde! Masyado lang mabilis ang train of thought niya. Kailangan niyang habulin. Rewind, rewind. Tanggihan ang order. Ngumiti at manatiling maganda.

“Ok na ako dito, may chicken strips naman, atsaka sayang ang Zumba toning class ko kung ikakain ko lang. Sa gabi talaga, light meal ako,” sabi ni Sheryl habang pilit nagsubo ng croutons at bacon bits. Pero parang gusto niyang um-order ng wine. Bigla lang.

E wine, nakapili ka na ba?”  Kanina pa umiinom sa baso niya ng Merlot si Julius, pero nahirapang pumili si Sheryl. “Gusto mo tulungan kitang pumili ng masarap?”

Anong pagpapanggap ito, Sheryl? Tanong niya sa sarili. Napakadalas niyang uminom ng wine. Hindi lang talaga umaandar ang utak niya ngayon. At parang nabasa ni Julius ang utak niya! In sync nga ba sila? Shucks, kilig moment ito. Ang sarap i-message ang mga kaibigan niya, pero alam niyang bad manners iyon pag nasa dinner date.  Parang tama si Alex,  yung taga-Sales department na nag-match sa kanila ni Julius. May dating ang kaibigan niya. Balita ni Sheryl, marami nang babaeng lumuha sa paghihintay dito. Kinabahan siyang bigla. Ayaw niyang maghintay. Ayaw niyang lumuha. Kailangan niya ng wine.

“Sige nga, please choose for me,” sabi niya. Naisip niya rin, dahil hindi sya ang magbabayad, hahayaan na niyang si Julius ang magdesisyon. Tinawag ni Julius ang waiter at sinabi ang order. “One glass of Chardonnay for the lady, please.” Pag-alis ng waiter, sabi ni Julius, “Mas maganda pa ang bihis sa akin nung waiter kaya napa-Ingles ako.”  Natawa si Sheryl. Maganda ang tawa niya, hindi masyadong mahinhin, hindi masyadong malakas. Sakto lang. Ito ang hirap sa first date, napansin ni Julius. Lahat pinupuna niyo sa isa’t isa. Para kayong may checklist ni Santa Claus. At best behaviour kayo dapat.

Ang piniling brand ni Julius, hindi yung pinakamahal, pero full-bodied kaya bagay sa grilled chicken breast na nasa salad niya. Pogi points ito para kay Sheryl. Umandar ang mental calculator. Check sa list – importante sa kanya ang confidence mula sa isang lalaki.  Kung ano naman ang koneksyon ng kaalaman sa wine at confidence ay hindi nya maisip sa sandaling iyon. Malamang kinikilig lang siya kaya parang sumasang-ayon ang mga ipinapakita ni Julius sa listahan niya. Tumingin siya sa relo. Halos isang oras pa lang silang magkasama. Magaan na kaagad ang loob niya. Hmmm….

So, balita ko, mahilig kang mag-dive,” simula ni Sheryl. Ang sabi kasi ng lahat ng magazine at ng mga kaibigan niya, dapat, yung lalaki ang pagkwentuhin at makinig lang siya muna. Gusto raw nila ito.

A, oo. Lalo na nung mga single pa yung mga kabarkada namin ni Alex. Halos every weekend! O kung kelan sweldo, kasi mahal noon para sa amin eh. Ikaw, do you dive?”  Umasa si Julius na oo ang isasagot ni Sheryl. Pero ok lang kung hindi. E di siya ang magdadala kay Sheryl sa mga dive spots!  At tutulungan niya itong mag-enroll sa kilala niyang mahusay na diving school.

“Hmm, ang na-try ko pa lang, helmet diving sa Boracay,” sagot ni Sheryl. “And don’t tell me because I already know na old school o baka nga hindi totoong diving iyon. Pero noon pa lang parang umandar yung mild claustrophobia ko. Isa ako sa unang umahon sa grupo.”  Para sa iyo, susubukan ko ulit, ang naisip ni Sheryl pero itinigil na niya doon, at baka magmukha siyang overeager.  Parang katiwa-tiwala kasi ang hitsura ni Julius. Parang na-iimagine niyang pwede silang pumunta sa beach, tapos mag-hire ng bangka, dala ang dive equipment, tatalon sa gitna ng malalim na tubig,  kukuha ng shots mula sa underwater camera, habang safe ang pakiramdam niya, kasi si Julius ang bahala sa kanya. Ewan naman paano niya naisip iyon sa sandaling pagkakakilala nila. Naka-steroids yata ang imahinasyon niya ngayon. Mabuti dumating na ang Chardonnay at na-distract ang pagde-daydream ni Sheryl sa kalagitanaan ng kanilang date.

Natakot naman si Julius na pilitin si Sheryl kung ayaw nitong mag-dive. Pero sa tingin niya, kayang harapin ang mild claustrophobia.

Sabi sa akin ni Alex, sa isang bagay tayo magkakasundo. Mahilig kang mag-gitara, at mahilig akong kumanta,” hirit ni Sheryl, na may listahan talaga ng common interests nila.

Natuwa si Julius. “Ganoon ba, anong sabi sa iyo tungkol sa pag-gigitara ko?”

Expert ka raw. Kaya mo raw ang Guns ‘n Roses, Mr. Big, Sting…

Kilala mo ang music nila?” napahanga si Julius. Hindi mukhang fan ng rock music si Sheryl. Sa kasosyalan nito, parang classical at jazz music lang ang tumutugtog sa iPod niya. Mukhang magkakasundo nga yata sila.

“May apat akong kuya. Pinagdaanan ko ang Van Halen, Bon Jovi, pati Nirvana at Metallica.”

“So pag tinugtog ko, makakanta mo ang ‘Blaze of Glory’?” excited na tanong ni Julius.

Hindi ko pipiliin, pero pwede akong pilitin,” pa-cute na sagot ni Sheryl. E bakit ba, medyo nakainom na siya kaya nabawasan na ang hiya. Mahiyain pala siya! Sa mga may karapatan lang siya nahihiya.

Naku, hindi ako marunong mamilit. Gusto ko yung nadadaaan lang sa lambing,” humihirit na rin ang Julius. Sayang ang pagkakataon e. “Anong klaseng music ba ang pinapakinggan o kinakanta mo? Para naman ma-practice ko.”

“Huwag kang tatawa,” sabi ni Sheryl.  Ito na talaga ang test kung bagay sila, pag natanggap ni Julius ang taste niya sa music.

“Bakit naman kita pagtatawanan? Cute ka pala pag nakakainom. Medyo mamula-mula ka na,” patuloy na damoves ng Julius.  Lalong namula si Sheryl.

Ang pinapakinggan ko, araw-araw, ay OPM, Manila sound. Kung English man, 80s music lang,” ang sagot. Nakita ni Sheryl na nanlaki ang mata ni Julius.

Anong pagkakamali ito? Bakit ko siya hinusgahang sosyal? Naisip ni Julius na marami pa siguro siyang hindi alam tungkol kay Sheryl. At parang buong gabi niyang gustong makilala pa ito nang husto. “Ahhh. Kayang-kaya iyan. Sige, awitin mo at itutugtog ko.”  Proud siyang nagamit niya ang isang awitin ng VST & Co. para sa hirit na iyon.

May pagka-jologs pa nga ako e. Basta, iba kasi ang dating ng mga kantang Tagalog. Mas tagos sa puso. Kaya ako nakaka-100% lagi sa office videoke. Dahil sa repertoire kong Sharong Cuneta, The Company, Odette Quesada,” napansin ni Sheryl na dumadaldal na siya. Hindi tama ito. Ang sabi sa singles/dating websites, let the man talk. Ngunit hindi niya mapigilang magkwento na rin tungkol sa sarili. Masarap kausap si Julius. Iba ang vibes niya, di katulad nung mga ibang lalaki, sa hindi pa niya maipaliwanag na dahilan.

Tapos nang kumain si Julius. Parang ang bilis ng pangyayari. Gusto pa niyang pahabain ang gabi. “Gusto mo ng dessert?” alok niya.

Parang gusto ko pero di ko kayang umubos ng buo…”

Pwede namang hati tayo,” sagot ni Julius. Tumango si Sheryl. “Ikaw pumili.”

E baka ayaw mo, pero favorite ko ito e. Carrot cake.”

“Sige, carrot cake. Madali akong kausap.”

“Talaga? Hate yan ng mga kuya ko. Bakit daw dessert ang gulay. So pag nagbe-bake ako, dinadala ko lang sa school at sa office.”

“Mahilig kang mag-bake?” Sobrang nagalak si Julius. Mahilig kasi siyang kumain. Hindi lang halata kasi araw-araw siyang tumatakbo para hindi lumaki ang tiyan.

“Magaling akong magluto at mag-bake. Housewife material nga, sabi sa iyo e.”  Oops, medyo parang overkill, naisip ni Sheryl. Pero nasabi na niya. At totoo namang pinagkakaguluhan ang mga luto niya. The way to a man’s heart is through his stomach. Kung totoo yon, dati pa dapat niyang nakuha ang lahat ng hearts ng lahat ng men. Hindi masyadong totoo yun.

Dumating na ang dessert. Nakangiti ang waiter sa kanila. “This one’s on the house, sir, according to our owner, Mr. Reyes. He had to leave to pick up his wife but he left instructions.”

Ang totoo, kilala ni Julius ang waiter, sa dalas siyang kumain ditong mag-isa, dahil nalalakad lang mula sa condo niya. Nagpasalamat siya at itinapat kay Sheryl ang platito ng cake. Dalawang tinidor ang ibinigay ng waiter. Bago umalis, kumindat ito kay Julius at pasimple pang sumenyas ng OK sign. Gustong batukan ni Julius ang pahamak na waiter.

That waiter is nice, kahit hindi sabihin, nagagawa niya ang trabaho niya at hindi siya intrusive. Ayaw na ayaw namin ng mga kaibigan ko yung nag-uusap-usap kami tapos sabat nang sabat o istorbo ang waiter. Ito, na-refill niya ang water goblet ko, natanggal niya ang used plates, at dinalhan pa tayo ng dalawang tinidor. At grabe siya makangiti, nakakatuwa,” banggit ni Sheryl.

Ngisi ang tawag diyan. Medyo kilala ako dito e, dahil kaklase ko yung boss nila at malapit lang ito sa condo ko. At nakangisi yung waiter kasi may ka-date ako. Masyado lang siyang natuwa.”

Malapit ka dito nakatira? E bakit mo pa ako sinundo sa kabilang ibayo ng Metro Manila?  Pwede naman akong nag-drive,” gulat na sagot ni Sheryl. Nasa Pasig sila, pero sinundo siya ni Julius sa Novaliches.

Ang gustong ihirit ni Julius, you’re worth the distance. Ang nasabi niya lang, “Hindi iyan ang turo ng nanay ko. At baka hindi ka ma-impress sa first date mo kung hindi ka sinundo,” ayun nagpahalata na si Julius na nagpapa-impress siya. Baka sakaling kumagat.

Actually, ang sabi ng dating books ni Sheryl, kung blind date dapat makipag-meet lang at hindi magpasundo sa bahay, at may backup na kaibigang naghihintay para mag-rescue kung sakaling disaster ang date. Hindi niya na sinunod iyon. Tamad siyang mag-drive e.

Tsaka lang napansin ni Sheryl na naitulak na pala nila (niya? Ni Julius?) sa gitna ng mesa ang platito, at kumukuha sila ng carrot cake mula sa isang hiwa, na parang dati na nilang ginagawang maghati ng pagkain. Sabi ng dating websites, ang pag-share ng plato at pag-usog sa space sa mesa ay indikasyon ng pag-unlad ng intimacy ng date. Pero parang patapos na… dessert na diba? Nalungkot yata siya.

O, parang natahimik ka. Hindi ka yata naniniwalang gentleman ako by training. Ano bang pinagsasasabi sa iyo ni Alex?”

Huwag kang mag-alala. Binenta ka sakin. Salesman ang kaibigan mo e. Sabi ko, hindi ako basta-bastang bumibili. Kailangan kilatisin ko munang maigi.”

Alam mo, para sa isang kolehiyala, ang lalim mo ring ma-nagalog minsan. Nakakagulat ka,” puna ni Julius. Talagang unti-unti siyang natutuwa kay Sheryl, at nag-iisip siya paano pa niya mapapahaba ang gabi.

Kolehiyala nga ako, pero laking-probinsiya. At tuwing bakasyon, umuuwi kami sa Zambales. Hindi rin kami mga Inglesero’t Inglesera sa bahay.” Pahiyang-pahiya na si Julius sa anumang image meron siya noong una tungkol kay Sheryl. Iba talaga kapag nakikilala mo na ang tao.

Atsaka lang nila napansin ang piped-in music sa restaurant. Nag-iba kasi. Kanina, parang puro instrumental lang, ngayon biglang tumugtog ang “I Will Always Stay In Love This Way.”  Duda  ni Julius, may kinalaman ang kaibigan niyang may-ari, o di kaya yung waiter na pahamak.

“OPM yan, kahit Ingles,” sabi ni Sheryl.

Oo, pero piano yan. Kaya ko sigurong kapain sa gitara… masubukan nga.”

“Kelan ko naman maririnig iyang pinagmamalaking pag-gigitara mo?” tanong ni Sheryl sabay tingin sa mga mata ni Julius. Agad niyang inalis. Parang napaso siya. Electric shock ang dating. Taga-Meralco pa naman ang kausap niya.

Ngayon, kung gusto mo. Andyan lang gitara ko, sa condo…” alam niyang medyo forward na ang tanong, pero nandoon na rin ang opening.  Sinubukan na ni Julius, tutal ang balak lang talaga niya, sa ngayon, ay magpaka-gentleman. Tugtugan ng gitara, pakinggan kumanta, alukin ng wine, tapos… bahala na!

Sige, sa isang kondisyon…”

“Ano?” kinabahan naman si Julius.  Baka bawal silang uminom, o gabihin, o umagahin….

“Titigilan natin ang kaka-best food foward. Ang mental checklists. Yes, I know you checked me out physically before asking me out, and we’re both weighing each other tonight. I came with a whole dating  book in my head, too. Pero please, mag-enjoy na lang tayo. Kuwentuhan, kantahan, game ako diyan. We’ll take it one step at a time.”  Napakatamis ng ngiti ni Sheryl. Sabay inubos ang Chardonnay niya.

Natigilan si Julius. Hindi makasagot.  Hindi niya alam paano sumagot. Bakit ibang mag-isip ang mga babae?  Bukas pa niya mare-realize na tama si Sheryl. Na may point si Sheryl. Pero bukas pa. Ngayong gabi, nagulat lang siya kung saan nanggaling iyon.

Tumayo si Sheryl para magpunta sa toilet. Nagbayad si Julius at binigyan pa rin ng malaking tip ang pahamak na waiter. Nakangisi pa rin ang loko.

Pagbalik ni Sheryl, nakatayo na si Julius. Hinawakan siya sa kamay, at naglakad na sila patawid ng kalye, paakyat sa condo, papasok sa bahay ni Julius.

Maganda pala talaga ang boses ni Sheryl. Napatulala si Julius. Hindi niya kailangan ng guitar accompaniment. Memorized pa ang lyrics, daig pa ang ilang volume ng 1,001 songs na meron siya.  Itinigil niya minsan ang pagtugtog. Si Sheryl, nakatayo sa bintana, malayo ang tingin. Kumanta lang ng “Bituing Walang Ningning.”

Itago mo ako sa lilim ng iyong pagmamahal
Limutin ang mapaglarong kinang ng tagumpay
Sa piling mo ngayon ako’y bituing walang ningning
Nagkukubli sa liwanag at kislap ng ating pag-ibig….

Tapos na pala ang kanta. Hindi nahalata ni Julius na nakatitig na sa kanya si Sheryl habang nakaupo siya sa sofá, hawak ang gitara, nakapikit ang matang nakikinig. Nang dumilat siya, tinanong ni Sheryl, “Alam mo ba kung bakit favorite ko ang kantang iyon?”

Sa pagkakataong ito, parang alam niya ang sagot. Nagbaka-sakali si Julius. “Gusto mo kasi talagang magpaalaga sa lalaking magmamahal sa iyo. Pagod ka nang magpanggap, gusto mong maging totoo, ng simpleng buhay. Hindi mahalaga sa iyo ang career mo o mga material na bagay.”

Napaluha si Sheryl. Nag-excuse siya, pumunta sa banyo, at nag-text sa lahat ng kaibigan niya. “Girls, I think I have found The One.  He gets me! He reads me! Kuwento later.  Still in his condo.”

Pagbalik niya sa sala,  nakatayo na si Julius. “Gabi na, ihahatid na kita.”

Ano raw?! Saan nanggaling iyon? Gulat na gulat si Sheryl. Kinuha niya ang bag niya at sumunod na lang kay Julius. Nakaakbay ito sa kanya, na parang natural lang.

Tahimik sila sa kotse. Kapwa malalim ang iniisip.  Pagdating sa bahay nila, hinalikan siya ni Julius sa pisngi at nagsabi ng good night.

Kinabukasan, hindi na nakatiis si Sheryl. Nag-text siya, umasang may makukuhang reaction kahit pabiro mula kay Julius,

You ask me if I’ve known love
And what it’s like to sing songs in the rain
Well, I’ve seen love come
And I’ve seen it shot down
I’ve seen it die in vain
Shot down in a blaze of glory… 

Ang sagot lang ni Julius, “I’m sorry, Sheryl. Masyado pang maaga para sa kantang iyan.”

Nasaktan si Sheryl. May double meaning ba iyon? Maaga pa dahil umaga pa lang, o maaga pa dahil kakakilala pa lang nila? Ang hirap mag-overanalyze nang lahat ng bagay! Nagbibiro lang naman siya. Bon Jovi iyon, paborito nilang pareho. May nangyayaring misteryo.

Makalipas nang isang linggo, tinanong na ni Sheryl kay Alex bakit hindi pa ulit nagpaparamdam sa kanya si Julius.

Hintayin mo lang. Natakot yun, ma’am,” sagot ni Alex.

Natakot? Alam ni Sheryl na masyado siyang naging honest kay Julius. Na baka nga nakakasakal ang kanyang Housewife Test. Na baka mas maraming magagandang babaeng nauna sa buhay ni Julius. Isang date lang naman sila. Siguro, makakalimutan niya rin ito.

Nagpakasipag na lang siya sa pagtatrabaho. Naisip niya na lang mag-retire nang maaga. Kaya naman siyang buhayin ng savings niya.

Si Julius, hanggang ngayon, ay nag-iisip pa rin.

(Bitin ba? Ganyan talaga ang buhay. Minsan, gusto mo pang dugtungan, pero tapos na talaga ang istorya. Nag-enjoy ka naman diba?)

WAKAS.

Image

4 Comments (+add yours?)

  1. Maarteng Manunulat
    Jan 18, 2014 @ 01:17:04

    Bitin! Hahaha. Love the Bituing Walang Ningning bit!😀

    Reply

  2. galadriella
    Jan 18, 2014 @ 22:46:41

    Salamat, Maarteng Manunulat! Salamat at pasado ang kaartehan ko sa iyo.😀

    Reply

  3. Maarteng Manunulat
    Jan 20, 2014 @ 22:03:23

    Naman!!😀

    Reply

  4. Trackback: Isang Linggong Paghihintay | The Obiter Master

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: